Mga karaniwang tanong ukol sa COVID-19
1. Ano ang COVID-19?
Ang COVID-19 ay isang nakahahawang sakit na dulot ng panibagong uri ng coronavirus. Walang naitalang impormasyon ukol dito bago ito lumitaw sa Wuhan, China noong Disyembre 2019.
2. Ano ang mga sintomas ng COVID-19?
- Lagnat
- Panghihina ng katawan at pagkaramdam ng pagod
- Ubo
- Hirap sa paghinga
Tumawag sa pinakamalapit na clinic o ospital at magpakonsulta kung ikaw ay nakararanas ng ganitong mga sintomas.
Maaari ring makaranas ng:
- Pananakit ng katawan
- Baradong ilong
- Pamamaga ng lalamunan
- Diarrhea
Karaniwang mild ang mga sintomas na ito at maaaring mapagkamalan na simpleng trangkaso o flu. Maaaring mahawa nito at hindi makaranas ng sintomas.
3. Paano kumakalat ang COVID-19?
- Mga patak galing sa ubo o bahing ng taong may COVID-19
- Paghawak sa mata, ilong o bibig matapos hawakan ang bagay na kontaminado ng laway o sipon ng taong may COVID-19
4. Sino ang nanganganib mahawa at magkaroon ng malalang sakit?
- Mga may edad
- Mga may high blood pressure, sakit sa puso o baga, kanser o diabetes
Manatiling maingat kahit bata pa at walang malubhang sakit.
5. May mga gamot na bang makapipigil o makapagpapagaling sa COVID-19?
- Wala pang gamot na napatunayang makatutulong sa pag-iwas o paglunas sa COVID-19. Hindi inirerekomenda ang self-medication.
- Ang antibiotics ay panlaban sa bacterial infection, hindi sa virus.
6. Mayroon na bang vaccine o lunas para sa COVID-19?
Wala pa sa ngayon. Pumunta lamang sa ospital kung kinakailangan, lalo na kung ikaw ay may sintomas ng COVID-19. Dalhin sa ospital ang may malalang sintomas o sakit, at bigyan ng tamang pag-alaga at suporta ang mga may COVID-19.
Mga haka-haka tungkol sa COVID-19
1. Maaaring lunas sa COVID-19 ang saging at bawang. Epektibo rin ang pagmumumog ng tubig na may asin at pag-inom ng alak.
→ Hindi totoo. Ayon sa WHO at DOH, walang ebidensiya na nakapagpapagaling ang mga ito ng virus at wala pang vaccine o lunas para sa COVID-19.
2. Epektibong panlaban sa virus ang hand dryers at UV lamps.
→ Hindi totoo. Maaaring maging sanhi pa ng pagka-irita ng balat ang UV radiation. Mas epektibo pa rin ang paghugas ng mga kamay at paggamit ng rubbing alcohol.
3. Maligo gamit ng mainit na tubig upang hindi mahawa ng COVID-19.
→ Hindi totoo. Mainit, maligamgam o malamig man ang iyong tubig panligo, nasa pagitan pa rin ng 36.5°C hanggang 37°C ang temperatura ng iyong katawan. Maaaring mapaso pa ang balat kung sobra sa init ang tubig panligo.
4. Mag-spray ng rubbing alcohol o chlorine sa katawan o nasal spray para sa ilong upang mawala ang virus.
→ Hindi totoo. Hindi lunas sa virus ang pag-spray sa katawan ng mga kemikal na ito. Maaaring nakakasama pa ang chlorine sa mga mata at bibig. Gamitin lamang ang rubbing alcohol sa iyong mga kamay.
5. May dalawang Tsinong espiya na nagpadala sa Wuhan ng coronavirus mula sa isang research facility sa Canada.
→ Hindi totoo. Walang “Tsinong espiya,” at patuloy na pinag-aaralan ng mga eksperto ang sakit na COVID-19 upang makahanap ng lunas para rito.
6. Ang pagkain ng bat soup ang naging sanhi ng coronavirus.
→ Hindi totoo. Ang mga nagva-viral na video ng isang babaeng kumakain ng bat soup ay kuha pa noong 2016 sa kapuluan ng Palau, hindi sa Wuhan. Walang naitalang ebidensiya na may kinalaman ang pagkain sa pagkalat ng coronavirus.
7. Hindi magtatagal ang buhay ng virus sa Pilipinas dahil mainit ang klima rito.
→ Hindi kumpirmado. Walang inilathalang ebidensiya ang WHO ukol dito. Sundin lamang ang gabay ng mga eksperto gaya ng DOH at WHO, at patuloy na mag-ingat.
Tamang paglinis ng bahay
Paglilinis: pagtanggal sa mga mikrobiyo at dumi. Hindi man tuluyang nawawala ang mikrobiyo, maiiwasan nito ang pagkalat ng impeksiyon.
- Linisin ang mga mesa, door knob, light switch, mga hawakan, kubeta, gripo at lababo.
- Gumamit ng detergent o sabon at tubig sa paglilinis bago mag-disinfect.
- Para sa mga carpet, alisin ang kalat at gumamit ng tamang panlinis.
Pagdi-disinfect: paggamit ng mga angkop na kemikal pagkatapos maglinis
- Effective sa pagdi-disinfect ang 70 percent rubbing alcohol o tubig na may halong bleach.
Tamang paghugas ng kamay
- Basain ang mga kamay
- Sabunin nang husto ang bawat kamay
- Ipagdikit ang mga palad at magkuskos
- Ilagay ang palad sa likod ng magkabilang kamay at magkuskos
- Pagdikitin ang mga palad at magkuskos sa pagitan ng mga daliri
- Kuskusin ang mga daliri sa magkabilang palad
- Kuskusin ang hinlalaki nang paikot
- Kuskusin ang mga dulo ng daliri sa magkabilang palad
- Magbanlaw nang husto
- Patuyuin ang mga kamay gamit ang tisyu
- Isara ang gripo gamit ang tisyu
Huwag kalimutang:
- Kuskusin ang gitna ng mga daliri at ilalim ng mga kuko
- Ulitin sa kabilang kamay ang bawat step
Ugaliin ding maghugas ng kamay:
- Pagkatapos umubo o bumahing
- Pagkatapos mag-CR
- Bago kumain o magluto
- Pagkatapos humawak ng mga alagang hayop
- Bago at pagkatapos mag-alaga ng bata o may sakit
Tamang paggamit ng mask
Nakatutulong ang pagsuot ng mask sa pagpigil sa pagkalat ng virus dahil nasasalo nito ang mga patak ng laway mula sa ubo o bahing.
→ Magsuot lamang ng mask kapag may sintomas ng COVID-19 o nag-aalaga ng may COVID-19.
Para sa inyong kaligtasan
- Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o ng rubbing alcohol.
- Iwasan ang pagbiyahe hangga’t maaari at manatili sa bahay kapag may sakit.
- Iwasan ang paghawak sa mata, ilong at bibig.
- Takpan ang iyong bibig at ilong gamit ang tisyu o ang iyong siko kapag uubo o babahing. Itapon agad ang tisyu.
- Iwasan ang pagpa-panic buy at pagho-hoard ng mga supplies.
- Alamin ang mga lugar na may naitalang kaso ng COVID-19 at patuloy na mag-ingat. Sundin ang gabay ng gobyerno at mga eksperto sa kalusugan.
24/7 COVID-19 HOTLINE: 02-894-COVID (02-894-26843)
Para sa Smart, Sun, TNT at PLDT subscribers: 1555
Get more stories like this by subscribing to our weekly newsletter here.
Read more:
Fact or fiction: Debunking misconceptions amid the coronavirus outbreak
Debunking COVID-19 myths, part 2
Think you’re a close contact of a COVID-19 patient? Here’s what to do next
Your phone can carry coronavirus for 9 days. Here’s how to disinfect it